Mayo 18, humigit kumulang ika-4:00 ng
hapon. Matiwasay na nakarating ang grupo sa inaasam na campsite. May naunang ng
6 na katao ilang sandali lang ang agwat sa amin.
Malaki ang "Bulwagan Saddle" para sa 11 katao. Pumili na kami ng
aming mga pwesto. Matapos makapag-ayos, inihanda ang lugar na paglulutuan.
Inilabas na ni Jayson. ang dalang tarapal. Abalang inaayos ni Ruel at Reden ang
vestibule ng tent nila. Madami kaming tali kaya gumawa na din ng sampayan para
sa mga basang damit na ginamit sa pag-akyat.
Maya-maya pa, inilabas na ni Tiernan ang baong kaldero, kalan at ang mga
sangkap ng putaheng sinigang. Espesyal ang pagsasaluhan namin sa hapunan. Lahat
ay sabik na makahigop ng mainit na sabaw.
Matapos lutuin ang pinananabikang sinigang, humigop ang lahat ng
mainit nitong sabaw kaulam ng isang buong “pan de raccion” bili pa sa palengke
ng Nagcarlan. Buong kasiyahang nagbahagi ng kani-kaniyang karanasan sa pagtahak sa nakakapanibagong trail patungo
sa campsite.
Habang abala sa kwentuhan, isinalang na din sa kalan ang kaldero
ng kanin para sa hapunan. Matapos ng
kanin, sinundan pa ito ng 2 pang putahe bago tuluyang mag-anyaya sa lahat ng
tunay na hapunan.
Marahil ay nagtataka ang isang grupo dahil nagtitiis kaming yumuko
sa ilalim ng inilagay na tarapal habang abalang nagkakasiyahan sa pagluluto,
pagkukuwentuhan at sa paghigop ng maasim na sinigang. Maliwanag ang papawirin, masayang nakahilata ang kabilang grupo sa
nakalatag nilang tarapal. Dalawa sa kanila ay nagsimula na rin maghanda ng
kanilang pagsasaluhan.
Ganap na 6:30 ng gabi, nag-anyaya na kami sa lahat “kainan na”!
Matapos ang masaganang hapunan, wala nang sinayang na panahon: sinimulan na ang
“socials”. Inilabas na din ang baong
camp light upang maging tanglaw sa madilim nang paligid.
Alas 7:20 ng gabi, may mga wisik ng tubig na nagbigay ingay sa
ibabaw ng aming tarapal, Nagpatuloy ang
wisik hanggang makailang ulit ding kumulog at kumidlat. Bumibilis ang mga patak.
Umaalingawngaw na ang mga tilamsik. Umuulan na!
Patuloy kami sa aming masayang huntahan. Habang manaka-naka ay sinigurong
lagyan ng pandong ang lahat ng kagamitan sa aming paligid. Mayamaya pa lumakas
na ang hampas ng hangin. Nakababahala na
ang ampiyas sa loob ng aming malaking tarapal.
Tila iisang iglap lamang, natagpuan namin ang aming mga sarili na karakarakang
naghahanap ng lugar na mapagtataguan. Malakas
na ang hampas ng hangin at ulan, tila nagngangalit ang langit sa dumadagungdong
na kulog at nakagugulat na kidlat. Wala
nang silbi ang aming malaking tarapal. Narinig namin ang malalakas ng taghoy ng
kabilang grupo. Nakaririmarim ang daloy
ng tubig sa buong paligid.
Matindi na ang ulan. Tila isang ganap na bagyo. Tuluyan na kaming
nagsipasok sa kani-kaniyang tents. Eto na iyon, ang kakaibang weather pattern
ng bundok San Cristobal. Pinaghandaan namin ito. Kaya nga’t mayamay pa, matapos
maisaayos ang lahat ng kagamitan……itinuloy pa rin ang kasiyahan. Sa loob ng isang basang tent, kasya kaming
lahat. Wagas!!
No comments:
Post a Comment